Sunday, September 26, 2010

Mga Guho ng Baluarte de San Diego sa Intramuros

Ruins of the 17th Century Baluarte de San Diego. Photo taken by BMB. 2009.
Ang mga guho ng Baluarte de San Diego ay isa sa mga pinaka-nakamamanghang mga istruktura sa Intramuros. Ayon sa Intramuros Administration, ito ang pinakaunang tanggulan sa Maynila na gawa sa bato, at una munang nakilala sa pangalang Nuestra Senora de Guia pero dahil hindi matibay ang pagkakagawa nito, agad din itong nasira.

Subalit noong ika-17 dantaon, muling binuo at itinayo ang naturang Baluarte at nagsilbi pang kampo ng mga Ingles noong 1762 British Occupation of Manila. Nang mabawi nang mga Kastila, sa tulong ng mga katutubong Pilipino, ang Maynila, muling naisauli ang Lungsod gayon na rin ang Baluarte sa Korona ng Espanya. At nanatiling matayog ang Baluarte de San Diego sa mga taong sumunod hanggang sa ito ay masira noong panahon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

'Garden of Eden' in the midst of the Ruins of Baluarte de San Diego. Photo taken by BMB. 2009.
Noong Dekada '80, muling binuhay ang Baluarte de San Diego at ngayon ay nagsisilbi bilang isa sapinakapopular na mga atraksyon sa loob ng Intramuros, Maynila. Kilala na ito ngayon sa taguring San Diego Gardens, kung saan matatagpuan ang mga lumang pader, istruktura na ginawa pa noong panahon ng Kastila, mga hardin na puno ng halaman, puno't bulaklak na kaaya-aya sa mata at isipan. 

Tunay ngang isang yamang pangkasaysayan ang Baluarte de San Diego. Isa sa mga Bakas ng ating Kahapon. - B.M.B.
A World War II-era Cannon stands in the midst of the Ruins of the Spanish Baluarte

Maligayang Pagdating sa Bahay-Dagitab ng Remnants of the Old Manila!

Statue of King Carlos IV of Spain, standing majestically in Plaza Roma, Intramuros, Manila. Photo taken by BMB. 2009.
Tulad ng mga napakaraming photoblogs at traveling sites na naglipana sa Worldwide Web, ang bahay-dagitab, o website, na ito ay isa ring photoblog. Subalit di gaya ng nakararaming websites na nagsilbing inspirasyon sa may-akda ng Remnants of the Old Manila na gawin ito, amateur o trying hard photographer lamang ang naturang may-akda na kumuha ng mga larawan para sa blog site na ito. 

Ngunit ang talagang layunin ng blog site na ito ay iukit sa puso't diwa ng mga Pilipino blogista ang mga marangal na alaala at dakilang kasaysayan ng bansang Pilipinas sa pamamagitan ng mga larawang kuha sa kasalukuyan na pinapakita at tinatampok ang mga nalalabin't makasaysayang istruktura sa kanlungan ng makabago, moderno, urbanisado at hi-tech na Maynila. 

Sa kabila ng patuloy na nagbabagong mukha ng Maynila (o Metro Manila na ngayon na sumasaklaw sa Maynila at iba pang mga siyudad na nakapaloob sa NCR o National Capital region), marami pa ring mga bakas na naiwan ang ating kasaysayan.

At ito ang misyon ng bahay-dagitab na ito. Sariwain natin ang kadakilaan at kagandahan ng Pilipinas. Muli nating balikan at tahakin ang mga bakas ng kahapon - mga bakas ng kasaysayan.


- B.M.B.